Tuesday, 21 June 2016

Phases Faces Paces

Tila ba mga bulong na walang tinig
Mga guni-guning umaaligid
Hindi mawari para saan pa't may alaala
Lumisan nga ngunit yapak ay nariyan pa

Naririnig ang dating kwentuhan
Mga biro at tawa ay palakasan
"Halika't doo'y samahan mo ako"
"Tara," at iiwan ang inuupuang bangko

At kapag ang araw ay nagdaan,
Sa may karinderya'y mag-aayaan
Bibili ng isang platitong ulam
Na siyang paghahati-hatian

Mga wasak na puso'y tila mga sinulid
Na siyang humahatak mula sa kun anumang gawain
"Ang puso ko ay puno ng pighati"
"Tara, at sa tindahan tayo magpalipas ng gabi"

At pupunuin ng mga pangarap ang puso
Aawit at magbibigay ng mga payo
Na minsan ay kalokoha't katatawanan
Madalas nama'y may aral na kapupulutan

At ngayon, ako ay nasa isang silid
Ang oras ay tumatakbo ng walang pasabi
Sa aking gunita, kayo ay namamasyal
Nananatili, naglalaro, at tila hindi lilisan