Showing posts with label tula. Show all posts
Showing posts with label tula. Show all posts

Saturday, 11 July 2020

Kilala Kita

Tila nagdilim ang kulay ng kalangitan
Dating bughaw ay naging maruming puti
Tumanaw ako sa kung ano'ng nasa taas
Ikaw ba ay nariyan pa
Tinawag Mo ang aking ngalan
Hinawakan ang aking kamay
Isa-isang hakbang, ako'y Iyong inaakay

"Kilala kita," bulong ng Iyong puso sa akin
"Tunay nga ba?" batid kong nakatingin
Ipinakita Mo sa akin ang kalangitan
Na nagbago na ng anyo

"Nakikita mo ba 'yan?" Iyong tanong
"Hindi na gaya ng dati," pailing kong bulong
Tinignan Mo ako nang may luha
"Hindi man gaya ng dati, 
Ngunit may natatanging kariktan."

"Ano ang nais Mo mula sa akin?" aking hinagpis
"Ang makita mong Ako ay nagmamahal sa'yo"
Patuloy ang aking pagluha
"Kilala kita," sinabi Mong muli.

"Ano ang kailangan Mo sa akin?" aking pagdududa
"Ang iyong puso at ang iyong mga luha"
"Pagkatapos...?"
"Huhubugin kita sa wangis na Aking nais sa iyo."

Paano pa ba na ako'y magtiwala
Kung narinig ko lahat ng piraso ng aking puso
Bumagsak at nawala

"Magtiwala ka sapagkat kilala kita."
Ako ay tumango at humakbang pasulong,
Patungo sa iyo...

"Kilala kita. Mahal kita."

Hindi pa rin buo ang kasiguruhan sa akin
Ngunit makikinig sa Iyo
Sapagkat nagawa Mong makausap ang puso
At maipakita ang Iyong pagsuyo

Muli, iyong sinambit, "Kilala kita. Mahal kita."

Saturday, 24 March 2018

Kung Maaari Lamang















Heto, doon, teka at huwag muna
Ano nga bang sabi ko sa'yo
Oo, ngunit
Akala ko pa naman
Hindi ba dapat ay

Mga tinig
Na minsang humarana
Kay neneng walang ibang nais
Kundi ang katahimikan
Sa sulok ng kanyang
Gawa-gawang kuwadra
Na unti-unting pinalabas
At ang mga palaisipang kinimkim
Sa kanya'y pinabigkas
Palakpak at mga tugon ng tawa
"Heto at sya'y kakaiba
Tila ang dami nyang kaya"
Unti-unting naubos ang kamuwangan
Nang dalhin sa mundo
Ng mga pangarap at pagbagsak
Sumulong at sumubok
Ang pagtingin sa sarili'y
Unti-unting naging mataas
Pagsasalita'y naging matatas
Nalimot ang kahapong
Nasa likod ng mga pader
At ang buhay ay naging usap-usapan
Ang pagtingin sa iba
Ay napuno ng pangmamaliit
Kung paanong ang iba ay tumingin
Sya na ring kanyang naging paghusga

Hanggang sa sya na
Ang hindi kaaya-aya
Nakagawa ng mga bagay na sa iba'y di katanggap-tanggap
Naibagsak ang mga pagtangi
At napuno ng poot sa sarili
Ang dating nene ay nagtanong
"Sino na nga ba ako
Bakit ganito na ang daigdig"
Puso'y napuno ng lungkot
Nawala ang kumpiyansa
Na ibinigay ng syang mga taong
Sa kanya'y bumasag

Bumalik, nene, ikaw ay bumalik na
Tawag ng kanyang kuwadra
Tara dito at magtsaa
Habang nakamudmod ang mukha
Sa iyong mga aklat
Tara dito at alalahanin
Ang maliliit na bagay na iyong itinangi
Tara dito at bigyang oras
Ang mga pusong sayo'y may kilala
Kung maaari lang ay huwag nang muling lumabas
At itago na lamang muli ang palaisipan

Ngunit ang buhay ay patuloy
Nene, ikaw ay isa nang dalaga
Ang iyong mga kabasagan ay hindi na mababago
Kahit na hilinging kung maaari lamang
Malayo na ang mundong naibukas
'Wag ka nang bumalik sa iyong kuwadra
Ngunit itiklop na ang tainga
Sa mga tinig na syang nanghalina

Ikaw ay tunay na mahalaga
Ngunit hindi dahil sabi nila
May katangian at pagkatao
Na ang pinanggagalingan
Ay ang Syang naglikha
Magpatuloy, ngunit maari  mong dalhin
Ang mga sa kuwadra'y nakabinbin
Upang iyong hindi malimot
Ang nasa kaibuturan ng pagkatao
Ikaw ay maaari pang magpatuloy
Ikaw ay mahalaga
Ikuwintas ang pag-asa

At tara, heto
Kahit anong inakala
At sabi-sabi
Eto ka, nene, papunta doon
At patuloy

Tuesday, 21 June 2016

Phases Faces Paces

Tila ba mga bulong na walang tinig
Mga guni-guning umaaligid
Hindi mawari para saan pa't may alaala
Lumisan nga ngunit yapak ay nariyan pa

Naririnig ang dating kwentuhan
Mga biro at tawa ay palakasan
"Halika't doo'y samahan mo ako"
"Tara," at iiwan ang inuupuang bangko

At kapag ang araw ay nagdaan,
Sa may karinderya'y mag-aayaan
Bibili ng isang platitong ulam
Na siyang paghahati-hatian

Mga wasak na puso'y tila mga sinulid
Na siyang humahatak mula sa kun anumang gawain
"Ang puso ko ay puno ng pighati"
"Tara, at sa tindahan tayo magpalipas ng gabi"

At pupunuin ng mga pangarap ang puso
Aawit at magbibigay ng mga payo
Na minsan ay kalokoha't katatawanan
Madalas nama'y may aral na kapupulutan

At ngayon, ako ay nasa isang silid
Ang oras ay tumatakbo ng walang pasabi
Sa aking gunita, kayo ay namamasyal
Nananatili, naglalaro, at tila hindi lilisan