Saturday, 11 July 2020

Kilala Kita

Tila nagdilim ang kulay ng kalangitan
Dating bughaw ay naging maruming puti
Tumanaw ako sa kung ano'ng nasa taas
Ikaw ba ay nariyan pa
Tinawag Mo ang aking ngalan
Hinawakan ang aking kamay
Isa-isang hakbang, ako'y Iyong inaakay

"Kilala kita," bulong ng Iyong puso sa akin
"Tunay nga ba?" batid kong nakatingin
Ipinakita Mo sa akin ang kalangitan
Na nagbago na ng anyo

"Nakikita mo ba 'yan?" Iyong tanong
"Hindi na gaya ng dati," pailing kong bulong
Tinignan Mo ako nang may luha
"Hindi man gaya ng dati, 
Ngunit may natatanging kariktan."

"Ano ang nais Mo mula sa akin?" aking hinagpis
"Ang makita mong Ako ay nagmamahal sa'yo"
Patuloy ang aking pagluha
"Kilala kita," sinabi Mong muli.

"Ano ang kailangan Mo sa akin?" aking pagdududa
"Ang iyong puso at ang iyong mga luha"
"Pagkatapos...?"
"Huhubugin kita sa wangis na Aking nais sa iyo."

Paano pa ba na ako'y magtiwala
Kung narinig ko lahat ng piraso ng aking puso
Bumagsak at nawala

"Magtiwala ka sapagkat kilala kita."
Ako ay tumango at humakbang pasulong,
Patungo sa iyo...

"Kilala kita. Mahal kita."

Hindi pa rin buo ang kasiguruhan sa akin
Ngunit makikinig sa Iyo
Sapagkat nagawa Mong makausap ang puso
At maipakita ang Iyong pagsuyo

Muli, iyong sinambit, "Kilala kita. Mahal kita."

No comments:

Post a Comment